Ang Self-Learning Module o SLM na ito ay maingat na inihanda para sa ating mag-aaral sa kanilang pag-aaral sa tahanan. Binubuo ito ng iba’t ibang bahagi na gagabay sa kanila upang maunawaan ang bawat aralin at malinang ang mga kasanayang itinakda ng kurikulum.
Ito ay may kalakip na paunang pagsusulit upang masukat ang nalalaman ng mag-aaral na may kinalaman sa inihandang aralin. Ito ang magsasabi kung kailangan niya ng ibayong tulong mula sa tagapagdaloy o sa guro. Mayroon ding pagsusulit sa bawat pagtatapos ng aralin upang masukat naman ang natutuhan. May susi ng pagwawasto upang makita kung tama o mali ang mga sagot sa bawat gawain at pagsusulit. Inaasahan namin na magiging matapat ang bawat isa sa paggamit nito.
Pinapaalalahanan din ang mga mag-aaral na ingatan ang SLM na ito upang magamit pa ng ibang mangangailangan. Huwag susulatan o mamarkahan ang anumang bahagi ng modyul. Gumamit lamang ng hiwalay na papel sa pagsagot sa mga pagsasanay.
Hinihikayat ang mga mag-aaral na makipag-ugnayan agad sa kanilang guro kung sila ay makararanas ng suliranin sa pag-unawa sa mga aralin at paggamit ng SLM na ito.
Ang modyul na ito ay ginawa at dinisenyo para sa iyo. Ito ay nabuo upang lubos mong maunawaan ang asignaturang Pagbasa at Pagsusuri sa Iba’t Ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik. Ang kabuuan ng modyul na ito ay makakatulong upang maibigay sa iyo ang mahahalagang kaalaman at impormasyon na tiyak na makatutulong sa iyong pag-unlad. Ang wikang ginamit ay kinikilala ang pagkakaibang antas ng bokabularyo ng mga mag-aaral. Ang aralin ay isinaayos upang sundin ang batayang pagkakasunod-sunod ng kurso. Subalit ang pagkakasunod-sunod ng iyong binasa ay maaring magbago upang tumugma sa aklat na ginagamit mo ngayon.
Ang modyul na ito ay patungkol sa paksang:
- Aralin 1: Proseso sa Pagsulat ng Pananaliksik
Matapos mong pagdaanan ang modyul na ito, inaasahan na ikaw ay:
Pamantayang Pangnilalaman:
- Nakasusunod sa pamantayan ng pagsulat ng masinop na pananaliksik
Pamantayan sa Pagganap:
- Nakabubuo ng isang maikling pananaliksik na napapanahon ang paksa
Kasanayang Pampagkatuto:
- Naiisa-isa ang mga paraan at tamang proseso ng pagsulat ng isang pananaliksik sa Filipino batay sa layunin, gamit, metodo, at etika ng pananaliksik.
Layunin:
- Natutukoy ang ang layunin at gamit ng pananliksik.
- Naisasagawa ang responsibilidad ng mag-aaral bilang mananaliksik.
- Naibibigay ang katuturan ng metodo at pamamaraan sa pagsulat ng pananaliksik.
- Nagpapakita ng pagkilala sa mga taong pinaghanguan ng mga kaalaman.
- Nakasusunod sa pamantayan ng pagsulat ng bibliyograpiya.
- Natutukoy ang mga maaaring pagkuhanan ng mga impormasyon sa pagbuo ng saliksik.
Naranasan mo na bang sumulat ng maprosesong pananaliksik? Ano-ano ang mga isinasaalang-alang mo kung ikaw ay gagawa ng isang pag-aaral bilang bahagi ng kurikulum at sa makrong kasanayang pagsulat? Kung hilaw pa ang kaalaman mo hinggil sa pananaliksik, magagabayan ka ng modyul na ito.