Ang Self-Learning Module o SLM na ito ay maingat na inihanda para sa ating mag-aaral sa kanilang pag-aaral sa tahanan. Binubuo ito ng iba’t ibang bahagi na gagabay sa kanila upang maunawaan ang bawat aralin at malinang ang mga kasanayang itinakda ng kurikulum.
Ito ay may kalakip na paunang pagsusulit upang masukat ang nalalaman ng mag-aaral na may kinalaman sa inihandang aralin. Ito ang magsasabi kung kailangan niya ng ibayong tulong mula sa tagapagdaloy o sa guro. Mayroon ding pagsusulit sa bawat pagtatapos ng aralin upang masukat naman ang natutuhan.
Kumusta ka na? Handa ka na bang ipagpatuloy ang iyong pagkatuto. Sana kung gaano ka nasabik sa nakaraang aralin ay ganoon pa rin ang iyong pagkasabik sa susunod na tatalakayin nating aralin. Kung handa ka na ay simulan mo na ang malalim na pag-unawa sa aralin tungkol sa isang maikling kuwento.
Ang Modyul 4 ay naglalaman ng isang maikling kuwentong mula sa bansang United States of America na pinamagatang “Ang Aginaldo ng mga Mago” na isang obra ni William Sidney Porter o mas kilala sa sagisag na O. Henry at isinalin sa Filipino ni Rufino Alejandro sa Pete’s Tavern sa Irving Place sa New York City, USA. Nailathala ito noong 1906 sa The New York Sunday World. Itinuturing ito ni O. Henry bilang isa sa mga pinakamahal na maikling kuwentong may hindi inaasahang pagwawakas.
Sa tulong ng mga gawain sa modyul na ito, mahahasa ang iyong kasanayan sa pagsusuri sa kahalagahan ng diyalogo sa akda at mapalalawak ang iyong kakayahan sa pagtatala ng mga salitang magkakatulad at magkakaugnay ang kahulugan at kasanayan sa paghihinuha at paghuhula sa kinalabasan ng pangyayari sa isang akda.
Bilang pangwakas na gawain, inaasahang naisasalaysay nang masining at may damdamin ang isinulat na maikling kuwento.
Sa pag-aaral sa modyul na ito, inaasahang matatamo mo ang mga sumusunod:
Mga Pinakamahahalagang Kasanayang Pampagkatuto
1. Nasusuri sa diyalogo ng mga tauhan ang kasiningan ng may akda.
2. Naitatala ang mga salitang magkakatulad at magkakaugnay sa kahulugan.
3. Nahihinuha sa mga bahaging napanood ang pakikipag-ugnayang pandaigdig.
4. Naisasalaysay nang masining at may damdamin ang isinulat na maikling kuwento.
Pinapaalalahanan din ang mga mag-aaral na ingatan ang SLM na ito upang magamit pa ng ibang mangangailangan. Huwag susulatan o mamarkahan ang anumang bahagi ng modyul. Gumamit lamang ng hiwalay na papel sa pagsagot sa mga pagsasanay.
Hinihikayat ang mga mag-aaral na makipag-ugnayan agad sa kanilang guro kung sila ay makararanas ng suliranin sa pag-unawa sa mga aralin at paggamit ng SLM na ito.