Ang Self-Learning Module o SLM na ito ay maingat na inihanda para sa ating mag-aaral sa kanilang pag-aaral sa tahanan. Binubuo ito ng iba’t ibang bahagi na gagabay sa kanila upang maunawaan ang bawat aralin at malinang ang mga kasanayang itinakda ng kurikulum.
Ito ay may kalakip na paunang pagsusulit upang masukat ang nalalaman ng mag-aaral na may kinalaman sa inihandang aralin. Ito ang magsasabi kung kailangan niya ng ibayong tulong mula sa tagapagdaloy o sa guro. Mayroon ding pagsusulit sa bawat pagtatapos ng aralin upang masukat naman ang natutuhan. May susi ng pagwawasto upang makita kung tama o mali ang mga sagot sa bawat gawain at pagsusulit. Inaasahan namin na magiging matapat ang bawat isa sa paggamit nito.
Pinapaalalahanan din ang mga mag-aaral na ingatan ang SLM na ito upang magamit pa ng ibang mangangailangan. Huwag susulatan o mamarkahan ang anumang bahagi ng modyul. Gumamit lamang ng hiwalay na papel sa pagsagot sa mga pagsasanay.
Hinihikayat ang mga mag-aaral na makipag-ugnayan agad sa kanilang guro kung sila ay makararanas ng suliranin sa pag-unawa sa mga aralin at paggamit ng SLM na ito.
Sa modyul na ito iyong malalaman ang proseso o hakbang na pinagdaanan ng Pilipinas sa pagpapatibay ng Saligang Batas ng 1935 at ang pagkakabuo ng Pamahalaang Komonwelt, sa pamumuno nina Manuel L. Quezon at Sergio Osmeña, Sr. bilang Pangulo at Ikalawang Pangulo. Kasama ding tatalakayin sa modyul na ito ang mahahalagang naisagawa ng Pamahalaang Komonwelt tungo sa adhikaing pagsasarili.
May dalawang aralin sa modyul na ito:
- Aralin 1- Ang Saligang Batas ng 1935
- Aralin 2- Ang Pamahalaang Komonwelt
Pagkatapos mong gawin ang mga aralin sa modyul na ito ay inaasahang magagawa mo ang sumusunod na kasanayan:
1. natutukoy ang mga dinaanang proseso tungo sa pagpapatibay ng Saligang Batas ng 1935;
2. naibibigay ang mahahalagang naisagaw ng mga Pilipino sa pagkakamit ng adhikaing pagsasarili;
3. nailalarawan ang balangkas at layunin ng Pamahalaaang Komonwelt;
4. naiisa-isa ang mga nagawa ng mga Pilipino sa Pamahalaang Komonwelt; at
5. nasusuri ang pamahalaang Komonwelt.