Ang Self-Learning Module o SLM na ito ay maingat na inihanda para sa ating mag-aaral sa kanilang pag-aaral sa tahanan. Binubuo ito ng iba’t ibang bahagi na gagabay sa kanila upang maunawaan ang bawat aralin at malinang ang mga kasanayang itinakda ng kurikulum.
Ito ay may kalakip na paunang pagsusulit upang masukat ang nalalaman ng mag-aaral na may kinalaman sa inihandang aralin. Ito ang magsasabi kung kailangan niya ng ibayong tulong mula sa tagapagdaloy o sa guro. Mayroon ding pagsusulit sa bawat pagtatapos ng aralin upang masukat naman ang natutuhan. May susi ng pagwawasto upang makita kung tama o mali ang mga sagot sa bawat gawain at pagsusulit. Inaasahan namin na magiging matapat ang bawat isa sa paggamit nito.
Pinapaalalahanan din ang mga mag-aaral na ingatan ang SLM na ito upang magamit pa ng ibang mangangailangan. Huwag susulatan o mamarkahan ang anumang bahagi ng modyul. Gumamit lamang ng hiwalay na papel sa pagsagot sa mga pagsasanay.
Hinihikayat ang mga mag-aaral na makipag-ugnayan agad sa kanilang guro kung sila ay makararanas ng suliranin sa pag-unawa sa mga aralin at paggamit ng SLM na ito.
Hindi maitanggi na sa loob ng mahabang panahon, maraming bagay sa Pilipinas ang napaayos at napaunlad ng mga Español. Tulad ng mga Español, ito rin ang pinagtutuunan ng mga Amerikano bilang mga bagong mananakop ng bansa. Subalit sa panahong ito, marami nang mga pangyayari at pagbabago ang naganap sa daigdig kaya’t modernong maituturing ang mga pagbabagong pinakilala ng mga Amerikano sa bansa. Ilan dito ang makabagong sistema ng pamamahala, edukasyon, transportasyon at komunikasyon, makabagong istilo ng mga sining, patakarang pangkalusugan, tradisyon at pagpapahalaga. Maituring na ang mga pagbabagong ito ang naghahanda sa Pilipinas upang humarap sa modernong panahon na pinamumunuan ng bagong kolonyalista – ang mga Amerikano. Sa mga pagbabagong naganap, alin dito ang nakakabuti sa mga Pilipino? Alin naman ang nakakasama?
Sa modyul na ito, susuriin natin ang mga pagbabago sa lipunan sa panahon ng mga Amerikano. May tatlong aralin sa modyul na ito:
- Aralin 1 – Ang Sistema ng Edukasyon sa Panahon ng Amerikano
- Aralin 2 – Ang Kalagayang Pangkalusugan sa Panahon ng mga Amerikano
- Aralin 3 – Ang Pag-unlad ng Transportasyon at Komunikasyon sa Panahon ng Amerikano
Pagkatapos mong gawin ang mga aralin sa modyul na ito, inaasahang magagawa mo ang sumusunod na kasanayan:
1. pagtalakay sa sistema ng edukasyon na ipinatupad ng mga Amerikano;
2. pagtalakay sa kalagayang pangkalusugan ng mga Pilipino;
3. pagtalakay sa pag-unlad ng transportasyon at komunikasyon at epekto nito sa pamumuhay ng mga Pilipino;
4. pagtukoy sa kahalagahan ng mga pagbabago sa edukasyon;
5. pagtukoy sa kahalagahan ng mga programang pangkalusugan na inilunsad ng mga Amerikano; at
6. pagbigay-halaga sa mga pagbabago sa sistema ng komunikasyon at transportasyon sa Pilipinas.