Isinulat ang modyul na ito upang gabayan ang inyong anak na linangin ang kaniyang aspektong pansarili at pakikipagkapuwa, akademiko, at karera. Dinisenyo ito para sa distance learning o alternatibong pamamaraan ng pagkatuto na hindi nangangailangan ng pisikal na presensya sa paaralan, bilang tugon sa direktiba na pagkansela ng face-to-face class dulot ng pandemyang Covid-19.
Hinihiling na basahin sa mag-aaral ang bawat bahagi ng modyul at gabayan siya sa bawat gawain upang matagumpay na maisakatuparan ang mga tagubilin. Siguraduhing maisagawa at masasagot ang mga gawain at katanungan (Processing Questions).
- Gawain 1: Paggabay na mabasa at maunawaan ang tula.
- Gawain 2: Paggabay na maiguhit ang hinihingi sa gawain at mailarawan ang bawat miyembro ng pamilya.
- Gawain 3: Pagpapalawak sa mga konsepto kung sakaling hindi ito nauunanawaan ng mag-aaral.
- Gawain 4: Pag-alalay na matugunan ang gawain sa pamamagitan ng pagguhit.
- Gawain 5: Pag-alalay na mapagtugma ng mag-aaral ang iba’t ibang uri ng pamilya at mga miyembrong bumubuo nito.
- Gawain 6: Pag-alalay na mabuo ang pangungusap na nagsasaad ng pasasalamat ng mag-aaral sa uri ng pamilya na mayroon siya.
Hinihiling ng Kagawaran ang inyong supporta upang matagumpay niyang maisakatuparan ang mga gawain. Makatutulong ang araling ito upang maintindihan niya ang uri ang pamilya na mayroon siya at ang iba’t iba pang istruktura ng pamilyang Pilipino. Kasama rin sa pagkatuto ng mag-aaral ang kung paano mapagbubuti pa ang kaniyang relasyon sa iba pang miyembro ng kaniyang pamilya. Tiyakin na sasagutin niya ang bawat bahagi ng modyul nang tapat hangga’t maaari. Siguraduhing maipapasa niya ang kanyang sagutang papel sa petsa at oras na itinakda ng kanyang gurong-tagapayo.