Ang Self-Learning Module o SLM na ito ay maingat na inihanda para sa ating mag-aaral sa kanilang pag-aaral sa tahanan. Binubuo ito ng iba’t ibang bahagi na gagabay sa kanila upang maunawaan ang bawat aralin at malinang ang mga kasanayang itinakda ng kurikulum.
Ito ay may kalakip na paunang pagsusulit upang masukat ang nalalaman ng mag-aaral na may kinalaman sa inihandang aralin. Ito ang magsasabi kung kailangan niya ng ibayong tulong mula sa tagapagdaloy o sa guro. Mayroon ding pagsusulit sa bawat pagtatapos ng aralin upang masukat naman ang natutuhan. May susi ng pagwawasto upang makita kung tama o mali ang mga sagot sa bawat gawain at pagsusulit. Inaasahan namin na magiging matapat ang bawat isa sa paggamit nito.
Pinapaalalahanan din ang mga mag-aaral na ingatan ang SLM na ito upang magamit pa ng ibang mangangailangan. Huwag susulatan o mamarkahan ang anumang bahagi ng modyul. Gumamit lamang ng hiwalay na papel sa pagsagot sa mga pagsasanay.
Hinihikayat ang mga mag-aaral na makipag-ugnayan agad sa kanilang guro kung sila ay makararanas ng suliranin sa pag-unawa sa mga aralin at paggamit ng SLM na ito.
Masiglang araw sa iyo mahal kong mag-aaral! Ikinalulugod kong matagumpay mong napag-aralan ang mito, anekdota, sanaysay, at epiko. Ngayon, ang bibigyan naman natin ng pansin ay ang maikling kuwento.
Ang Modyul 5 ay tatalakay tungkol sa maikling kuwentong “Ang Alaga” na sinulat ni Barbara Kimenye, isinalin sa Filipino ni Prof. Magdalena O. Jocson. Sa akdang ito, mababasa ang usaping pagmamahal na ipinagkaloob ng isang tao sa kaniyang alaga. Kalakip din ng aralin ang pagtalakay sa mga salitang nagsasaad ng paghihinuha at paglalahad para lalong maunawaan ang tatalakaying paksa.
Aalamin natin kung paano nakatutulong ang maikling kuwento sa pagkakaroon ng kamalayan sa pandaigdigang pangyayari sa lipunan. Gayundin, kung bakit mahalagang maunawaan ang salita o pahayag na naglalahad ng opinyon.
Sa pagtatapos ng araling ito, ikaw ay inaasahang makabubuo ng isang patalastas na pasulat batay sa sumusunod na pamantayan: a.) makatotohanan b.) masining c.) sapat na kaalaman sa paksa at d.) maayos na paglalahad.
Sa pag-aaral ng modyul na ito, inaasahang matatamo mo ang sumusunod:
Mga Pinakamahahalagang Kasanayang Pampagkatuto
1. Naiuugnay ang suliraning nangingibabaw sa akda sa pandaigdigang pangyayari sa lipunan.
2. Naipahahayag ang damdamin at saloobin tungkol sa kahalagahan ng akda sa sarili, panlipunan at pandaigdig.
3. Naibibigay ang katumbas na salita ng ilang salita sa akda (analohiya).