Ang Self-Learning Module o SLM na ito ay maingat na inihanda para sa ating mag-aaral sa kanilang pag-aaral sa tahanan. Binubuo ito ng iba’t ibang bahagi na gagabay sa kanila upang maunawaan ang bawat aralin at malinang ang mga kasanayang itinakda ng kurikulum.
Ito ay may kalakip na paunang pagsusulit upang masukat ang nalalaman ng mag-aaral na may kinalaman sa inihandang aralin. Ito ang magsasabi kung kailangan niya ng ibayong tulong mula sa tagapagdaloy o sa guro. Mayroon ding pagsusulit sa bawat pagtatapos ng aralin upang masukat naman ang natutuhan. May susi ng pagwawasto upang makita kung tama o mali ang mga sagot sa bawat gawain at pagsusulit. Inaasahan namin na magiging matapat ang bawat isa sa paggamit nito.
Pinapaalalahanan din ang mga mag-aaral na ingatan ang SLM na ito upang magamit pa ng ibang mangangailangan. Huwag susulatan o mamarkahan ang anumang bahagi ng modyul. Gumamit lamang ng hiwalay na papel sa pagsagot sa mga pagsasanay.
Hinihikayat ang mga mag-aaral na makipag-ugnayan agad sa kanilang guro kung sila ay makararanas ng suliranin sa pag-unawa sa mga aralin at paggamit ng SLM na ito.
Magandang buhay mag-aaral! Kamusta kayo? Tiyak kong marami nang aral at impormasyon ang napulot ninyo sa mga naunang aralin. Batid kong nasisiyahan kayo sa pagsasagot kung kaya’t inaasahang lalo pa ninyong paghuhusayang matapos at mapagtagumpayan ang araling ito.
Ang kakayahan ng isang tao ay hindi dapat ibinabatay sa kaniyang edad, pisikal na katangian at lalong-lalo sa kaniyang kasarian. Malimit nating naririnig na higit na dominante ang kalalakihan kaysa sa napakaraming aspeto dahil sa sinasabing mas malakas at mas may kakayahang magdesisyon kaysa sa mga kababaihan. Ngunit sa kasalukuyan, nagkakaroon ng pagbabago ang pagtingin ng ibang tao sa kakayahan ng kababaihan. Nagiging bukas tayo sa pag-unawa at pakikinig sa kanila dahil sa angking husay at galing na kanilang ipinamalas sa kanilang napiling larangan.
Matatalakay sa modyul 4 ang mga kabanata sa El Filibusterismo na may kinalaman sa tauhang si Huli tulad ng Kabanata IX, Kabanata XXX at Kabanata XXXII.
Bukod sa mga kabanata ng El Filibusterismo, layunin din ng modyul na ito na maunawaan ang dalawang uri ng paghahambing. Mahalaga ito sapagkat makatutulong upang matiyak na matatapos mo nang matagumpay ang mga gawaing nakapaloob dito.
Ang mga aral at konseptong natutuhan mula sa naunang mga aralin ay tiyak na magagamit sa araling ito.
Kaya’t buksan ang iyong malawak na guni-guni at imahinasyon sapagkat atin nang aalamin ang buhay ni Huli bilang simbolo ng isang babaeng may pagmamahal sa pamilya at sa bayan.
Sa araling ito malilinang ang mga Pinakamahalagang Kasanayang Pampagkatuto na:
a) Naisasaad ang pagkamakatotohanan ng akda sa pamamagitan ng pag – uugnay ng ilang pangyayari sa kasalukuyan.
b) Naipaliliwanag ang kahulugan ng mga salitang hiram sa wikang Espanyol.
c) Naisusulat ang maayos na paghahambing ng binuong akda sa iba pang katulad na akdang binasa.
d) Nagagamit ang angkop na mga salitang naghahambing.