Ang Self-Learning Module o SLM na ito ay maingat na inihanda para sa ating mag-aaral sa kanilang pag-aaral sa tahanan. Binubuo ito ng iba’t ibang bahagi na gagabay sa kanila upang maunawaan ang bawat aralin at malinang ang mga kasanayang itinakda ng kurikulum.
Ito ay may kalakip na paunang pagsusulit upang masukat ang nalalaman ng mag-aaral na may kinalaman sa inihandang aralin. Ito ang magsasabi kung kailangan niya ng ibayong tulong mula sa tagapagdaloy o sa guro. Mayroon ding pagsusulit sa bawat pagtatapos ng aralin upang masukat naman ang natutuhan. May susi ng pagwawasto upang makita kung tama o mali ang mga sagot sa bawat gawain at pagsusulit. Inaasahan namin na magiging matapat ang bawat isa sa paggamit nito.
Pinapaalalahanan din ang mga mag-aaral na ingatan ang SLM na ito upang magamit pa ng ibang mangangailangan. Huwag susulatan o mamarkahan ang anumang bahagi ng modyul. Gumamit lamang ng hiwalay na papel sa pagsagot sa mga pagsasanay.
Hinihikayat ang mga mag-aaral na makipag-ugnayan agad sa kanilang guro kung sila ay makararanas ng suliranin sa pag-unawa sa mga aralin at paggamit ng SLM na ito.
Magandang araw mag-aaral! Labis akong nagagalak sapagkat batid kong ang inyong paghihirap sa pagsagot ng modyul ay unti-unti nang nagbubunga. Ang inyong pagpupursigi at pagsasapuso ng mga aral sa mga kuwento ay lubos kong pinahahalagahan.
Isang mapagpalang araw mga mag-aaral! Sa pagpapatuloy ng iyong aralin alam mo ba na ang isa sa pinakamahirap gawin ng isang tao ay ang manatiling matatag sa mga suliranin at sa matitinding pagsubok na dumarating sa kanyang buhay? Masasabi natin na matatag ang isang tao kung siya’y hindi nabubuwal at hindi nagpapatalo sa anumang pagsubok na kanyang hinaharap sa buhay.
Kaya huwag mong hayaang ibagsak ka ng anumang matinding suliranin. Nararapat lamang na mabigyan mo ito ng tamang lunas, huwag itong iyakan at magmukmok na lamang sa isang tabi bagkus mag-isip nang tama at magandang solusyon kalakip nito ang mataimtim na pagdarasal at pagtitiwala sa Diyos. Nangyari ito sa buhay ni Kabesang Tales. Paano niya ipinaglaban ang kanyang karapatan at paano rin niya napagtagumpayan ang maraming pagsubok na dumating sa kanyang buhay.
Sa modyul na ito ay matutunghayan mo ang pakikipagsapalaran at pagiging matatag sa buhay ng ating pangunahing tauhan at kung paano niya ipinaglaban ang kanyang karapatan sa mga umabuso at umapi sa kanya.
Sa tulong ng mga inihandang gawain, masasalamin mo ang mga paniniwala at pagpapahalaga ng mga pangunahing tauhan.
At sa pagwawakas ng araling ito, tiyak ko na ikaw ay makapagmumungkahi ng solusyon sa isang suliraning panlipunan sa kasalukuyan. Halina’t tunghayan mo.
Sa araling ito malilinang ang mga Pinakamahalagang Kasanayang.Pampagkatuto na:
a) Naipahahayag ang sariling paniniwala at pagpapahalaga kaugnay ng mga kaisipang namayani sa akda.
b) Nasusuri ang mga kaisipang lutang sa akda (Diyos, bayan, kapwa-tao, magulang).
c) Natatalakay ang mga kaisipang ito: kabuluhan ng edukasyon / pamamalakad sa:
- pamahalaan / pagmamahal sa: Diyos / Bayan / Pamilya / kapwa-tao /
- kabayanihan / karuwagan / paggamit ng kapangyarihan / kapangyarihan ng salapi /
- kalupitan at pagsasamantala sa kapwa / kahirapan / karapatang pantao / paglilibang
- kawanggawa.
d) Naipaliliwanag ang kabuluhan ng mga kaisipang lutang sa akda kaugnay ng: karanasang pansarili / gawaing pangkomunidad / isyung pambansa / pangyayaring pandaigdig.
e) Naiuugnay ang kaisipang namayani sa pinanood na bahagi ng binasang akda sa mga kaisipang namayani sa binasang akda.
f) Naisusulat ang pagpapaliwanag ng sariling mga paniniwala at pagpapahalaga kaugnay ng mga kaisipang namayani sa akda.
g) Naipahahayag ang sariling paniniwala at pagpapahalaga gamit ang angkop na mga salitang hudyat sa paghahayag ng saloobin/ damdamin.