Ang Self-Learning Module o SLM na ito ay maingat na inihanda para sa ating mag-aaral sa kanilang pag-aaral sa tahanan. Binubuo ito ng iba’t ibang bahagi na gagabay sa kanila upang maunawaan ang bawat aralin at malinang ang mga kasanayang itinakda ng kurikulum.
Ito ay may kalakip na paunang pagsusulit upang masukat ang nalalamanng mag-aaral na may kinalaman sa inihandang aralin. Ito ang magsasabi kung kailangan niya ng ibayong tulong mula sa tagapagdaloy o sa guro. Mayroon ding pagsusulit sa bawat pagtatapos ng aralin upang masukat naman ang natutuhan. May susi ng pagwawasto upang makita kung tama o mali ang mga sagot sa bawat gawain at pagsusulit. Inaasahan namin na magiging matapat ang bawat isa sa paggamit nito.
Pinapaalalahanan din ang mga mag-aaral na ingatan ang SLM na ito upang magamit pa ng ibang mangangailangan. Huwag susulatan o mamarkahan ang anumang bahagi ng modyul. Gumamit lamang ng hiwalay na papel sa pagsagot sa mga pagsasanay.
Hinihikayat ang mga mag-aaral na makipag-ugnayan agad sa kanilang guro kung sila ay makararanas ng suliranin sa pag-unawa sa mga aralin at paggamit ng SLM na ito.
Sa pamamagitan ng modyul na ito at sa tulong ng ating mga tagapagdaloy, umaasa kami na matututo ang ating mag-aaral kahit wala sila sa paaralan.
Natatandaan mo pa ba kaibigan ang tinalakay noong nakaraang aralin? Ito ay ang tungkol sa pagpapahayag ng sariling pananaw o opinyon at argumento sa mga napapanahong isyu sa lipunang Asya. Bawat isa sa atin ay may kaniya-kaniyang kuwento sa buhay. Ang mga ito ay nagbibigay sa atin ng kaalaman at inspirasyon habang tayo ay nabubuhay.
Paano nga ba bubuuin ang isang napakagandang kuwento? Iyan ang lalakbayin mo sa linggong ito, aalamin at pag-aaralan ang tungkol sa banghay ng maikling kuwento at ang mga kultura na nakapaloob dito.
Sa modyul na ito ay gagalugarin ang mga maikling kuwento na nagmula sa Silangang Asya. Pag-aralan ang ilan sa kanilang panitikan tulad ng maikling kuwento mula sa Tsina na may malaking impluwensiya sa uri ng panitikan na mayroon tayo ngayon sa Pilipinas. Babasahin rin ang akdang Niyebeng Itim ni Liu Heng na isinalin sa Filipino ni Galileo S. Zafra, akdang nagmula sa Tsina. Simulan ang aralin gamit ang inyong malikot na imahinasyon at matang mapanuri.
Sa paglalakbay, inaasahang matatamo ang sumusunod habang isinasagawa ang mga gawain:
- nasusuri ang maikling kuwento batay sa estilo ng pagsisimula, pagpapadaloy at pagwawakas ng napakinggang salaysay;
- nahihinuha ang kulturang nakapaloob sa binasang kuwento na may katutubong kulay;
- nabibigyang kahulugan ang mga imahe at simbolo sa kuwento; at
- naisasalaysay ang sariling karanasan na may kaugnayan sa kulturang nabanggit sa nabasang kuwento.
- naisusulat ang isang paglalarawan ng sariling kultura na maaaring gamitin sa isang pagsasalaysay.
- nakagagamit ng mga pahayag sa pagsisimula, pagpapatuloy ng pangyayari at pagtatapos ng isang kuwento.