Ang Self-Learning Module o SLM na ito ay maingat na inihanda para sa ating mag-aaral sa kanilang pag-aaral sa tahanan. Binubuo ito ng iba’t ibang bahagi na gagabay sa kanila upang maunawaan ang bawat aralin at malinang ang mga kasanayang itinakda ng kurikulum.
Ito ay may kalakip na paunang pagsusulit upang masukat ang nalalamanng mag-aaral na may kinalaman sa inihandang aralin. Ito ang magsasabi kung kailangan niya ng ibayong tulong mula sa tagapagdaloy o sa guro. Mayroon ding pagsusulit sa bawat pagtatapos ng aralin upang masukat naman ang natutuhan. May susi ng pagwawasto upang makita kung tama o mali ang mga sagot sa bawat gawain at pagsusulit. Inaasahan namin na magiging matapat ang bawat isa sa paggamit nito.
Pinapaalalahanan din ang mga mag-aaral na ingatan ang SLM na ito upang magamit pa ng ibang mangangailangan. Huwag susulatan o mamarkahan ang anumang bahagi ng modyul. Gumamit lamang ng hiwalay na papel sa pagsagot sa mga pagsasanay.
Hinihikayat ang mga mag-aaral na makipag-ugnayan agad sa kanilang guro kung sila ay makararanas ng suliranin sa pag-unawa sa mga aralin at paggamit ng SLM na ito.
Sa pamamagitan ng modyul na ito at sa tulong ng ating mga tagapagdaloy, umaasa kami na matututo ang ating mag-aaral kahit wala sila sa paaralan.
Maligayang pagdating sa ikaanim na modyul! Malugod kong binabati ang iyong ipinamalas na kagalingan.
Handa ka na ba?
Sa pagkakataong ito, ihanda ang iyong sarili para sa panibagong kaalaman. Tara at lakbayin natin ang mundo ng panitikan ng Silangang Asya!
Sa modyul na ito ay pag-aaralan ang mga panitikan ng Silangang Asya, sa araw na ito ay lalakbayin ang mundo ng dula. Inaasahang maipamalas mo ang pag-unawa at pagpapahalaga sa mga akdang pampanitikan ng Silangang Asya at makasusuri sa dula na may pamagat na “Munting Pagsinta” at “Dahil sa Anak” at mga elemento nito. Halina’t linangin ang iyong kakayahan sa pagsusuri sa binasang dula batay sa pagkakabuo at elemento nito.
Sa araling ito, inaasahang maipamalas mo ang pag-unawa at pagpapahalaga sa dula na may pamagat na “Munting Pagsinta” na hinalaw ni Mary Grace A. Tabora sa pelikula ni Sergei Bordov na mula sa Mongolia. Sumasalamin sa dula ang kultura ng mga taga-Mongolia patungkol sa pakikipag-ayos sa mga lahing pinagkakautangan sa pamamagitan ng pagpapakasal sa anak nito. Mahihinuha rin dito na ang mga Mongolian ay nagsasagawa ng pagpili ng magiging kabiyak sa hinaharap sa murang edad. Isa pa ay ang pakikipagkasundo ng mga magulang sa pag-iisang dibdib ng kanilang mga anak.
Sa pagtatapos ng paglalakbay, inaasahan kong magagawa mo ang kasanayang ito:
- nauuri ang mga tiyak na bahagi at katangian ng isang dula batay sa napakinggang diyalogo o pag-uusap;
- nasusuri ang binasang dula batay sa pagkabuo at mga elemento nito;
- napaghahambing ang mga napanood na dula batay sa mga katangian at elemento nito; at
- nagagamit ang mga angkop na pang-ugnay sa pagsulat ng isang maikling dula tungkol sa karaniwang buhay ng isang pangkat ng tao sa ilang bansa ng Asya.