DepEd ALS Module 4: Magpapadala Ka Ba sa Agos o Lalabanan Mo Ito?

Malugod na pagtanggap sa Learning Strand 1 Filipino ng Alternative Learning System (ALS) Junior High School Modyul para sa araling Mga Kuwento Sa Likod ng Akda at Pelikula.

Ang modyul na ito ay ginawa bilang tugon sa iyong pangangailangan. Layunin nitong matulungan ka sa iyong pag-aaral sa iyong sariling pamamaraan at bilis ng pagkatuto. Hangad din nito na madulutan ka ng mga makabuluhang oportunidad sa pagkatuto.

Ang modyul na ito ay may mga bahagi at icon na dapat mong maunawaan.

Ang sumusunod ay mahahalagang paalala sa paggamit ng modyul na ito:

1. Gamitin ang modyul nang may pag-iingat. Huwag lalagyan ng anumang marka o sulat ang anumang bahagi ng modyul. Gumamit ng hiwalay na papel sa pagsagot sa mga pagsasanay.

2. Huwag kalimutang sagutin ang Subukin bago lumipat sa iba pang gawaing napapaloob sa modyul.

3. Basahing mabuti ang mga panuto bago gawin ang bawat pagsasanay.

4. Obserbahan ang katapatan at integridad sa pagsasagawa ng mga gawain at sa pagwawasto ng mga kasagutan.

5. Tapusin ang kasalukuyang gawain bago pumunta sa iba pang pagsasanay.

6. Pakibalik ang modyul na ito sa iyong guro o tagapagdaloy kung tapos nang sagutin ang lahat ng pagsasanay.

Kumusta ka na? Marami ka na bang natutuhan sa mga naunang modyul? Ito na ang ikaapat mong modyul at tulad ng mga naunang modyul, ito ay inihanda upang gabayan ka sa patuloy mong pagtuklas ng karunungan at pagpapabuti sa sarili.

Tiyak na maiibigan mo ang mga bagong paksa na magbibigay sa iyo ng mga gawain na magdudulot ng kaalaman at lilinang sa iyong mga kasanayan lalo na sa pagsulat ng sanaysay. Inaasahan na habang isinasagawa mo ang mga gawain ay patuloy mong kagigiliwan ang pagsasakatuparan ng mga susunod pang bahagi nito.

Nahahati sa tatlong aralin ang modyul na ito:

  • Aralin 1: Paglalahad Ng Sariling Pananaw/Opinyon/Paninindigan Emosyon/Mungkahi
  • Aralin 2: Pagbibigay-puna o Pagpapahayag ng Opinyon
  • Aralin 3: Paggamit ng Pandiwa Bilang Aksiyon, Pangyayari, at Karanasan

Bawat aralin ay binubuo ng mga gawain at pagtalakay na tutulong sa iyo habang pinag-aaralan ang bawat bahagi nito. Ang mga ito ay ginamit na mga materyal upang matamo mo ang mga inaasahang kasanayan o kompetensi.

Ang modyul na ito ay magbibigay sa iyo ng kakayahang maisagawa ang sumusunod:

  • Naisusulat ang isang sanaysay na naglalalahad ng sariling pananaw tungkol sa napapanahong isyu o paksa.
  • Naibibigay ang sariling pananaw o opinyon batay sa binasang anyo ng sanaysay (talumpati o editoryal).
  • Nabibigyang-puna ang mga nababasa sa mga social media (pahayagan, TV, Facebook, email at iba pa).
  • Nagagamit ang salitang kilos o pandiwa sa pagsasalaysay ng mga personal na karanasan.
  • Nagagamit nang wasto ang mga pang-ukol.

ALS Accreditation and Equivalency Program: Junior High School Learning Strand 1 Kasanayang Pangkomunikasyon sa Filipino

UNESCO_ALS_LS1_FILIPINO_M04

Can't Find What You'RE Looking For?

We are here to help - please use the search box below.

Leave a Comment