Ang Self-Learning Module o SLM na ito ay maingat na inihanda para sa ating mag-aaral sa kanilang pag-aaral sa tahanan. Binubuo ito ng iba’t ibang bahagi na gagabay sa kanila upang maunawaan ang bawat aralin at malinang ang mga kasanayang itinakda ng kurikulum.
Ito ay may kalakip na paunang pagsusulit upang masukat ang nalalaman ng mag-aaral na may kinalaman sa inihandang aralin. Ito ang magsasabi kung kailangan niya ng ibayong tulong mula sa tagapagdaloy o sa guro. Mayroon ding pagsusulit sa bawat pagtatapos ng aralin upang masukat naman ang natutuhan. May susi ng pagwawasto upang makita kung tama o mali ang mga sagot sa bawat gawain at pagsusulit. Inaasahan namin na magiging matapat ang bawat isa sa paggamit nito.
Pinapaalalahanan din ang mga mag-aaral na ingatan ang SLM na ito upang magamit pa ng ibang mangangailangan. Huwag susulatan o mamarkahan ang anumang bahagi ng modyul. Gumamit lamang ng hiwalay na papel sa pagsagot sa mga pagsasanay.
Hinihikayat ang mga mag-aaral na makipag-ugnayan agad sa kanilang guro kung sila ay makararanas ng suliranin sa pag-unawa sa mga aralin at paggamit ng SLM na ito.
Sa lawak ng nasasakupan ng kontinente ng Asya, hindi marahil nakapagtataka kung bakit ito ang nagsilbing lundayan ng iba’t ibang makasaysayang pangyayari sa daigdig. Kaalinsabay ng pagsibol ng kasaysayan ay ang makulay at makabuluhang pagsibol ng mga relihiyon. Hindi kataka-taka ito sapagkat iba ang pagturing ng mga Asyano kung ang pag-uusapan ay relasyon ng tao at ng lumikha o Diyos. Kung kaya sa paglipas ng daang libong taon, nananatili pa rin ang pagkilala ng mga tao sa kanilang kinabibilangang relihiyon. Ito ay makikita sa anyo ng kanilang pamumuhay, mga pagpapahalagang panlipunan at espirituwal, mga istrukturang ipinatayo bilang simbolo, at maging sa paglinang ng kanilang kultura at tradisyon.
Kung kaya’t sa pagtatapos ng modyul na ito, inaasahan sa iyo ang sumusunod:
1. Natutukoy ang mga relihiyon sa Hilagang-Silangan at Timog-Silangang Asya gayundin ang mga aral at doktrina nito;
2. Naipaliliwanag ang bahaging ginampanan ng relihiyon sa iba’t ibang aspekto ng pamumuhay ng mga Asyano sa Hilagang-Silangan at Timog-Silangang Asya; at
3. Naipapakita ang bahaging ginampanan ng relihiyon sa iba’t ibang aspekto ng pamumuhay ng mga Asyano sa Hilagang-Silangan at Timog-Silangang Asya.
Ang pagkamit mo sa mga layuning nabanggit sa itaas ay magiging tulay upang tiyak na matutunan mo ang sumusunod na pamantayan at kasanayan:
PAMANTAYANG PANGNILALAMAN (Content Standard)
- Ang mag-aaral ay napahahalagahan ang pagtugon ng mga Asyano sa mga hamon ng pagbabago, pag-unlad, at pagpapatuloy ng Hilagang-Silangan at TimogSilangang Asya sa transisyunal at makabagong panahon ( ika-16 hanggang ika-20 siglo).
PAMANTAYAN SA PAGGAWA (Performance Standard)
- Ang mag-aaral ay nakapagsasagawa ng kritikal na pagsusuri sa pagbabago, pag-unlad, at pagpapatuloy sa Hilagang-Silangan at Timog-Silangang Asya sa transisyunal at makabagong panahon (ika-16 hanggang ika-20 siglo).
PAMANTAYANG PAMPAGKATUTO (Most Essential Learning Competency)
- Natataya ang bahaging ginampanan ng relihiyon sa iba’t ibang aspekto ng pamumuhay.