Malugod na pagtanggap sa Filipino sa Piling Larang (Akademik)-Baitang 11/12 ng Alternative Delivery Mode (ADM) Modyul ukol sa araling Pagtukoy sa Mahahalagang Impormasyon sa Isang Pulong Upang Makabuo ng Sintesis. Ang kamay ay madalas gamiting simbolo ng kakayahan, aksyon at layunin. Sa pamamagitan ng ating mga kamay tayo ay maaaring matuto, lumikha, at magsakatuparan ng gawain. Ang kamay sa tulong-aral na ito ay sumisimbolo na ikaw, bilang isang mag-aaral, ay may angking kakayahang matutuhan ang mga kaugnay na kompetensi at kasanayan. Ang iyong pang-akademikong tagumpay ay nakasalalay sa iyong sarili o sa iyong mga kamay.
Ang modyul na ito ay ginawa bilang tugon sa iyong pangangailangan. Layunin nitong matulungan ka sa iyong pag-aaral habang wala ka sa loob ng silid-aralan. Hangad din nitong madulutan ka ng mga makabuluhang oportunidad sa pagkatuto.
Ang sumusunod ay mahahalagang paalala sa paggamit ng modyul na ito:
1. Gamitin ang modyul nang may pag-iingat. Huwag lalagyan ng anomang marka o sulat ang anomang bahagi ng modyul. Gumamit ng hiwalay na papel sa pagsagot sa mga pagsasanay.
2. Huwag kalimutang sagutin ang Subukin bago lumipat sa iba pang gawaing napapaloob sa modyul.
3. Basahing mabuti ang mga panuto bago gawin ang bawat pagsasanay.
4. Obserbahan ang katapatan at integridad sa pagsasagawa ng mga gawain at sa pagwawasto ng mga kasagutan.
5. Tapusin ang kasalukuyang gawain bago pumunta sa iba pang pagsasanay.
6. Pakibalik ang modyul na ito sa iyong guro o tagapagdaloy kung tapos nang sagutin lahat ng pagsasanay.
Ang modyul na ito ay nilikha para sa iyo upang matulungan ka sa pagbuo ng Sintesis ng napag-usapan mula sa mahahalagang impormasyon sa isang pulong. Tutulungan ka ng modyul na ito na maunawaan ang kahalagahan ng pagtukoy sa mahahalagang impormasyon mula sa Agenda at wastong pagsulat ng Katitikan ng Pulong at Sintesis/Buod ng napag-usapan. Makikita rin dito ang ilang halimbawa ng Agenda at Katitikan ng Pulong na maaaring maging padron o modelo sa pagsulat mo sa huling bahagi ng modyul. Ang nilalaman nito ay isinaayos upang magamit mo sa pagkatuto sa makatotohanang sitwasyon.
Ang modyul na ito ay nahahati sa sumusunod na paksa:
1. Balangkas ng Karaniwang Agenda
2. Mahahalagang Bahagi ng Katitikan ng Pulong
3. Mga Hakbang sa Pagsulat ng Katitikan ng Pulong
4. Kahulugan ng Sintesis/Buod
Pagkatapos mong sagutan ang modyul na ito, ikaw ay inaasahang:
- Natutukoy ang mahahalagang impormasyon sa isang pulong upang makabuo ng sintesis sa napag-usapan.