Malugod na pagtanggap sa Filipino sa Piling Larang (Akademik)-Baitang 11/12 ng Alternative Delivery Mode (ADM) Modyul ukol sa araling Pagtukoy sa Mahahalagang Impormasyon sa Isang Pulong Upang Makabuo ng Sintesis. Ang kamay ay madalas gamiting simbolo ng kakayahan, aksyon at layunin. Sa pamamagitan ng ating mga kamay tayo ay maaaring matuto, lumikha, at magsakatuparan ng gawain. Ang kamay sa tulong-aral na ito ay sumisimbolo na ikaw, bilang isang mag-aaral, ay may angking kakayahang matutuhan ang mga kaugnay na kompetensi at kasanayan. Ang iyong pang-akademikong tagumpay ay nakasalalay sa iyong sarili o sa iyong mga kamay.
Ang modyul na ito ay ginawa bilang tugon sa iyong pangangailangan. Layunin nitong matulungan ka sa iyong pag-aaral habang wala ka sa loob ng silid-aralan. Hangad din nitong madulutan ka ng mga makabuluhang oportunidad sa pagkatuto.
Ang sumusunod ay mahahalagang paalala sa paggamit ng modyul na ito:
1. Gamitin ang modyul nang may pag-iingat. Huwag lalagyan ng anomang marka o sulat ang anomang bahagi ng modyul. Gumamit ng hiwalay na papel sa pagsagot sa mga pagsasanay.
2. Huwag kalimutang sagutin ang Subukin bago lumipat sa iba pang gawaing napapaloob sa modyul.
3. Basahing mabuti ang mga panuto bago gawin ang bawat pagsasanay.
4. Obserbahan ang katapatan at integridad sa pagsasagawa ng mga gawain at sa pagwawasto ng mga kasagutan.
5. Tapusin ang kasalukuyang gawain bago pumunta sa iba pang pagsasanay.
6. Pakibalik ang modyul na ito sa iyong guro o tagapagdaloy kung tapos nang sagutin lahat ng pagsasanay.
Ang modyul na ito ay idinisenyo upang ikaw ay matulungan na matamo ang mga kasanayang inaasahan sa kursong Filipino sa Piling Larang (Akademik). Tatalakayin dito ang apat na uri o anyo ng akademikong sulatin- ang Bionote, Agenda, Katitikan ng Pulong at Panukalang Proyekto. Tutulungan ka ng modyul na ito na alamin ang wastong pamamaraan sa pagsulat ng mga sulating ito na nakabatay sa maingat, wasto at angkop na paggamit ng wika. Matutunghayan mo rin ang halimbawa ng mga ito na maaari mong maging modelo sa pagsulat sa katapusan ng modyul.
Ang modyul na ito ay nahahati sa sumusunod na paksa:
1. Pagsulat ng Agenda
2. Pagsulat ng Bionote
3. Pagsulat ng Katitikan ng Pulong
4. Pagsulat ng Panukalang Proyekto
Pagkatapos mong sagutan ang modyul na ito, ikaw ay inaasahang:
- Nakasusulat ng sulating batay sa maingat, wasto at angkop na paggamit ng wika.
pede bang makakita pa nang susunod