Ang Self-Learning Module o SLM na ito ay maingat na inihanda para sa ating mag-aaral sa kanilang pag-aaral sa tahanan. Binubuo ito ng iba’t ibang bahagi na gagabay sa kanila upang maunawaan ang bawat aralin at malinang ang mga kasanayang itinakda ng kurikulum.
Ito ay may kalakip na paunang pagsusulit upang masukat ang nalalaman ng mag-aaral na may kinalaman sa inihandang aralin. Ito ang magsasabi kung kailangan niya ng ibayong tulong mula sa tagapagdaloy o sa guro. Mayroon ding pagsusulit sa bawat pagtatapos ng aralin upang masukat naman ang natutuhan. May susi ng pagwawasto upang makita kung tama o mali ang mga sagot sa bawat gawain at pagsusulit. Inaasahan namin na magiging matapat ang bawat isa sa paggamit nito.
Pinapaalalahanan din ang mga mag-aaral na ingatan ang SLM na ito upang magamit pa ng ibang mangangailangan. Huwag susulatan o mamarkahan ang anumang bahagi ng modyul. Gumamit lamang ng hiwalay na papel sa pagsagot sa mga pagsasanay.
Hinihikayat ang mga mag-aaral na makipag-ugnayan agad sa kanilang guro kung sila ay makararanas ng suliranin sa pag-unawa sa mga aralin at paggamit ng SLM na ito.
Magandang araw sa iyo, kumusta?
Ikaw ba ay natutuwa sa tuwing lumalabas ng bahay at nagtutungo sa mga lugar na nais mong puntahan?
Hindi mo man sabihin ngunit alam kong oo ang sagot mo dahil para sa isang mag-aaral na tulad mo, tunay ngang nakasisiya at nakasasabik ang magpunta sa iba’t ibang lugar lalong-lalo na kung kasama ang iyong mga mahal sa buhay, hindi ba?
Subalit, paano kaya kung sa paglabas ninyo ay ikaw na mismo ang magbibigay ng panuto na may tatlo hanggang apat na hakbang gamit ang pangunahin at pangalawang direksiyon at magbibigay ng kahulugan ng salita sa pamamagitan ng pormal na depinisyon? Kaya mo na ba?
Ano-ano nga ba ang dapat mong isaalang-alang upang ikaw ay maging matagumpay rito? Halika, subukin natin ang iyong kaalaman at galing.
Sa tulong ng modyul na ito, inaasahan na:
1. Nakapagbibigay ng panuto na may tatlo hanggang apat na hakbang gamit ang pangunahin at pangalawang direksiyon.
2. Naibibigay ang kahulugan ng salita sa pamamagitan ng pormal na depinisyon ng salita.