Ang Self-Learning Module o SLM na ito ay maingat na inihanda para sa ating mag-aaral sa kanilang pag-aaral sa tahanan. Binubuo ito ng iba’t ibang bahagi na gagabay sa kanila upang maunawaan ang bawat aralin at malinang ang mga kasanayang itinakda ng kurikulum.
Ito ay may kalakip na paunang pagsusulit upang masukat ang nalalaman ng mag-aaral na may kinalaman sa inihandang aralin. Ito ang magsasabi kung kailangan niya ng ibayong tulong mula sa tagapagdaloy o sa guro. Mayroon ding pagsusulit sa bawat pagtatapos ng aralin upang masukat naman ang natutuhan. May susi ng pagwawasto upang makita kung tama o mali ang mga sagot sa bawat gawain at pagsusulit. Inaasahan namin na magiging matapat ang bawat isa sa paggamit nito.
Pinapaalalahanan din ang mga mag-aaral na ingatan ang SLM na ito upang magamit pa ng ibang mangangailangan. Huwag susulatan o mamarkahan ang anumang bahagi ng modyul. Gumamit lamang ng hiwalay na papel sa pagsagot sa mga pagsasanay.
Hinihikayat ang mga mag-aaral na makipag-ugnayan agad sa kanilang guro kung sila ay makararanas ng suliranin sa pag-unawa sa mga aralin at paggamit ng SLM na ito.
Ang pagkamulat sa isyu tungkol sa kawalan ng paggalang at katotohanan ay nagtuturo ng mahahalagang aral sa buhay. Ito ay magiging paalaala sa mga masasamang epekto nito sa personal na buhay, pamilya at sa komunidad. Kapag namulat ang isa lalo na mula pagkabata, matutulungan itong maituwid ang mga landasing pwedeng humantong sa pagkakamali. Ang turong ito ay maipapasa din kalaunan sa mga inapo at magsisilbi bilang babalang halimbawa.
Kapag namulat ang isa sa kawalan ng paggalang at katotohanan, pwedeng mabawasan, kung hind man mawakasan ang gawaing katitisuran ng maraming tao tulad ng pagsisinungaling, katiwalian, pagnanakaw at ilang mga krimeng may malaking kaugnayan sa kawalan ng paggalang at katotohanan.
KATOTOHANAN – nagsisilbing ilaw ng tao sa paghahanap ng kaalaman at layunin niya sa buhay.
Sa modyul na ito, iyong matutungahayan ang pagiging mulat sa mga isyu tungkol sa kawalan ng paggalang sa katotohanan na siyang daan upang isulong at isabuhay ang pagiging mapanagutan at tapat na nilalang.
Layunin:
1. napatutunayang ang pagiging mulat sa mga isyu tungkol sa kawalan ng paggalang sa katotohanan ay daan upang isulong at isabuhay ang pagiging mapanagutan at tapat na nilalang.
2. nakabubuo ng mga hakbang upang maisabuhay ang paggalang sa katotohanan.