Ang Self-Learning Module o SLM na ito ay maingat na inihanda para sa ating mag-aaral sa kanilang pag-aaral sa tahanan. Binubuo ito ng iba’t ibang bahagi na gagabay sa kanila upang maunawaan ang bawat aralin at malinang ang mga kasanayang itinakda ng kurikulum.
Ito ay may kalakip na paunang pagsusulit upang masukat ang nalalaman ng mag-aaral na may kinalaman sa inihandang aralin. Ito ang magsasabi kung kailangan niya ng ibayong tulong mula sa tagapagdaloy o sa guro. Mayroon ding pagsusulit sa bawat pagtatapos ng aralin upang masukat naman ang natutuhan. May susi ng pagwawasto upang makita kung tama o mali ang mga sagot sa bawat gawain at pagsusulit. Inaasahan namin na magiging matapat ang bawat isa sa paggamit nito.
Pinapaalalahanan din ang mga mag-aaral na ingatan ang SLM na ito upang magamit pa ng ibang mangangailangan. Huwag susulatan o mamarkahan ang anumang bahagi ng modyul. Gumamit lamang ng hiwalay na papel sa pagsagot sa mga pagsasanay.
Hinihikayat ang mga mag-aaral na makipag-ugnayan agad sa kanilang guro kung sila ay makararanas ng suliranin sa pag-unawa sa mga aralin at paggamit ng SLM na ito.
Matagumpay mong nalagpasan ang mga modyul sa ikalawang markahan. Natunghayan mo sa bahaging ito ang tungkol sa akdang pampanitikan ng Silangang Asya na binubuo ng mga bansang Japan, China, Taiwan, North at South Korea at Mongolia. Layunin nitong linangin at hubugin ang iyong kakayahan sa pagsulat ng sariling akda na tungkol sa pagpapahalagang Asyano.
Napahanga ka ba sa kanilang kultura at tradisyon ng kanilang lahi bilang Asyano? Napukaw ba ng mga paksa sa ikalawang markahan ang iyong isipan bilang isang mag-aaral? Mabuti kung ganoon.
Sa modyul na ito, may mga bahagi na may kinalaman tungkol sa akdang pampanitikan ng Timog-Kanlurang Asya na binubuo ng mga bansang Lebanon, Saudi Arabia, Bhutan, Israel at India. Makatutulong sa iyo na unawain ang mga aral na nais ipabatid ng akda tulad ng parabula, elehiya, maikling kuwento, alamat at epiko. Makikita mo rito ang mga pangyayari na maaaring maganap sa tunay na buhay sa kasalukuyan, ang matatalinghagang pahayag na ginamit nang wasto sa pangungusap at mga gawaing lilinang sa iyong kakayahan sa pag-unawa sa akda. Bukod pa riyan, may mga bahagi rin na matututuhan mo, ito ay tungkol sa gramatika at retorika. Batid kong ikaw ay handa na. Maaari mo ng nang pasukin ang portal ng ikatlong markahan.
Alam mo ba na ang rehiyon ay may iba’t ibang parabula na magsisilbing patnubay sa marangal na pamumuhay? Ang unang makahaharap mo ay tungkol sa mga pangyayaring naganap noong panahon ni Hesus na nakabatay sa Banal na Aklat na pinamagatang “Ang Talinghaga Tungkol sa May-ari ng Ubasan”. Dagdag pa riyan ay magbabahagi sa iyo ng aral ang tungkol sa pagpapahalaga ng magulang sa anak, ang akdang “Parabula ng Banga”. Handa ka na ba para sa isang masining na pagtuklas ng mga akdang ito?
Pag-aralan mo na!
Ang modyul na ito ay may isang aralin na binubuo ng dalawang parabula:
- Parabula 1– Talinghaga Tungkol sa May-ari ng Ubasan
- Parabula 2 – Parabula ng Banga
Sa iyong paglalakbay, ang layuning nasa ibaba ay inaasahang iyong matamo habang isinasagawa ang mga gawain:
- Napatutunayang ang mga pangyayari sa binasang parabula ay maaaring maganap sa tunay na buhay sa kasalukuyan.