Ang Self-Learning Module o SLM na ito ay maingat na inihanda para sa ating mag-aaral sa kanilang pag-aaral sa tahanan. Binubuo ito ng iba’t ibang bahagi na gagabay sa kanila upang maunawaan ang bawat aralin at malinang ang mga kasanayang itinakda ng kurikulum.
Ito ay may kalakip na paunang pagsusulit upang masukat ang nalalaman ng mag-aaral na may kinalaman sa inihandang aralin. Ito ang magsasabi kung kailangan niya ng ibayong tulong mula sa tagapagdaloy o sa guro. Mayroon ding pagsusulit sa bawat pagtatapos ng aralin upang masukat naman ang natutuhan. May susi ng pagwawasto upang makita kung tama o mali ang mga sagot sa bawat gawain at pagsusulit. Inaasahan namin na magiging matapat ang bawat isa sa paggamit nito.
Pinapaalalahanan din ang mga mag-aaral na ingatan ang SLM na ito upang magamit pa ng ibang mangangailangan. Huwag susulatan o mamarkahan ang anumang bahagi ng modyul. Gumamit lamang ng hiwalay na papel sa pagsagot sa mga pagsasanay.
Hinihikayat ang mga mag-aaral na makipag-ugnayan agad sa kanilang guro kung sila ay makararanas ng suliranin sa pag-unawa sa mga aralin at paggamit ng SLM na ito.
Magandang araw sa iyo mahal kong mag-aaral! Tiyak kong natuto ka sa mga nakaraang aralin at nais mo pang magpatuloy sa pagkatuto. Halina’t galugarin natin ang mga bansa ng Africa at Persia. Hindi lamang iyan, mapag-aaralan din natin ang mitolohiya mula sa mga lugar na ito.
Sa gagawing pagdalumat sa bawat mitolohiyang mababasa ay magkakaroon ka ng sariling kamalayan sa iba’t ibang kultura at kaugalian.
Ang Modyul 1 ay tumatalakay tungkol sa mga mitolohiyang mula sa Africa at Persia. Ang kontinenteng Africa ay pangalawa sa pinakamalawak na kontinente at pangalawa rin sa pinakamaraming bilang ng tao sa mundo. Sa dami ng tribong naninirahan sa kontinenteng ito ay gayundin ang katumbas na yaman nito sa kanilang kaugalian at kultura.
Ang Persia na mas kilala ngayon bilang bansang Iran ay isa sa mga pinakamatagal na imperyo sa ika -16 na siglo kung kaya’t masasabing ito’ y naging isa sa pinakamatandang sibilisasyon na nabuhay sa mundo. Ibig sabihin, sa tagal ng panahon na pananatili nito ay nagkaroon din sila ng mayamang kultura na nakapaloob sa kanilang literatura.
Sa paggalugad sa bawat mitolohiya ay magkakaroon ka ng pagkakataong pagaralan ang pagsasaling-wika. Ang mga pamantayan sa pagsasaling-wika ay magiging bahagi sa talakayan ng araling ito. Ilan sa mga gawain ay pagsasalin ng mga akdang pampanitikan alinsunod sa pamantayan sa pagsasaling-wika.
Sa pagtatapos ng araling ito ay inaasahang masasagot nang may pag-unawa ang mga pokus na tanong na: Paano makatutulong ang mitolohiya na magkaroon ng kamalayan sa kultura at kaugalian ng isang bansa? Ano-ano ang mga suliraning kinakaharap sa pagsasaling-wika?
Sa pag-aaral ng modyul na ito, inaasahang matatamo mo ang mga sumusunod:
Mga Pinakamahahalagang Kasanayang Pampagkatuto
1. Nabibigyang-puna ang napanood na video clip.
2. Nasusuri ang mga kaisipang nakapaloob sa mitolohiya batay sa: suliranin ng akda, kilos, gawi ng tauhan at desisyon ng tauhan.
3. Naipaliliwanag ang pagkakaiba at pagkakatulad ng mitolohiyang Africa at Persia.
4. Nagagamit nang angkop ang mga pamantayan sa pagsasaling-wika.
5. Napangangatuwiranan ang sariling reaksiyon tungkol sa akdang binasa sa pamamagitan ng debate/ pagtatalo.