Ang Self-Learning Module o SLM na ito ay maingat na inihanda para sa ating mag-aaral sa kanilang pag-aaral sa tahanan. Binubuo ito ng iba’t ibang bahagi na gagabay sa kanila upang maunawaan ang bawat aralin at malinang ang mga kasanayang itinakda ng kurikulum.
Ito ay may kalakip na paunang pagsusulit upang masukat ang nalalaman ng mag-aaral na may kinalaman sa inihandang aralin. Ito ang magsasabi kung kailangan niya ng ibayong tulong mula sa tagapagdaloy o sa guro. Mayroon ding pagsusulit sa bawat pagtatapos ng aralin upang masukat naman ang natutuhan. May susi ng pagwawasto upang makita kung tama o mali ang mga sagot sa bawat gawain at pagsusulit. Inaasahan namin na magiging matapat ang bawat isa sa paggamit nito.
Pinapaalalahanan din ang mga mag-aaral na ingatan ang SLM na ito upang magamit pa ng ibang mangangailangan. Huwag susulatan o mamarkahan ang anumang bahagi ng modyul. Gumamit lamang ng hiwalay na papel sa pagsagot sa mga pagsasanay.
Hinihikayat ang mga mag-aaral na makipag-ugnayan agad sa kanilang guro kung sila ay makararanas ng suliranin sa pag-unawa sa mga aralin at paggamit ng SLM na ito.
Magandang araw mag-aaral! Binabati kita sapagkat natamo mo ang mga kasanayan sa mga naunang aralin at natutuhan mo na ang mga mahahalagang konsepto tungkol sa nobelang El Filibusterismo. Ngayon ay naabot mo na ang huling aralin sa modyul na ito at tiyak kong mapagtatagumpayan mo ito dahil ang mga kasanayang natamo sa mga naunang aralin ay sapat na upang matapos mo ito.
Ang modyul 7 ay tumatalakay sa iba‟t ibang pasakit ng lipunan na naranasan ng ilang mga tauhan sa nobela. Nakapaloob din dito ang ilang mga mahahalagang aral na lalong magpapasidhi sa damdaming makabayan ng mga Pilipino.
Nakapokus ang araling ito sa buhay ni Padre Florentino, isang paring may paninindigan bagama‟t ilang beses nang sinubok ang katatagan nito.
Kalakip din nito ang ilang mga aktibidades na susubok sa iyong kakayahan sa pagsusuri at pag-aanalisa sa kabanatang babasahin mo.
Inaasahang sa pagtatapos din ng aralin ay mailalarawan mo ang mga tauhan at pangyayari sa tulong ng mga pang-uring umaakit sa imahinasyon at mga pandama.
Handa ka na ba? Kung gayon, iyo nang simulang sagutin at unawain ang nilalaman ng modyul na ito.
Sa araling ito malilinang ang mga Pinakamahalagang Kasanayang Pampagkatuto na:
a) Nailalarawan ang mga tauhan at pangyayari sa tulong ng mga pang-uring umaakit sa imahinasyon at mga pandama.